BOAC, Marinduque — Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Setyembre 13 bilang unang araw ng pasukan sa mga pampublikong paaralan para sa Taong Panuruan 2021-2022.
Ipinabatid ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang pag-apruba ng Pangulo mula sa mga inirekomendang petsa ng Kalihim ng DepEd Leonor M. Briones.
Ipinaabot naman ng Kagawaran ang kanilang pasasalamat sa Pangulo sa kaniyang buong suporta sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon sa darating na taong panuruan sa porma ng blended learning.
Ayon sa DepEd, ilalabas naman nila ang school calendar para sa 2021-2022 sa lalong madaling panahon at umaasa rin sila sa patuloy na pakikiisa at suporta ng kanilang stakeholders habang naghahanda sa panibagong mga hamon.
Bukod dito ay napakahalagang hakbangin ito upang turuan ang mga kabataan sa gitna ng pandaigdigang krisis sa kalusugan.
Samantala, nais linawin ng ilang mga magulang at mag-aaral ang eksaktong petsa ng pasukan dahil ang nasabing petsa ay local holiday sa probinsya.
Matatandaan na tuwing Setyembre 13 ay ginugunita ang anibersaryo ng Labanan sa Pulang Lupa. — Marinduquenews.com