GASAN, Marinduque — Pormal nang inanunsyo ni James Marty L. Lim, kasalukuyang kapitan ng Barangay Dos, Gasan ang kanyang kandidatura sa pagka-gobernador ng Marinduque.
Sa isang Facebook post ay sinabi ni Lim na isang karangalan na ipabatid sa kanyang mga kababayan ang interes nitong lumahok sa darating na national at local elections.
“Tayo po ay buong karangalan na lalahok sa Mayo 9 bilang gobernador ng mahal na lalawigan upang isulong ang gobyernong laging inyong maaasahan at tunay na Marinduqueno,” bahagi ng pahayag ni Lim.
Si Lim ay kasalukuyang pangulo ng Liga ng mga Barangay sa probinsya at national vice president for Luzon ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas (LBP). Tumatayo rin itong national chairman emeritus ng LBP kung saan ay naging national liga president ito sa loob ng 10 taon.
Itinalaga bilang commissioner ng Citizen Consultative Commission taong 2005 ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Matatandaan na naging katunggali ng yumaong dating assembly woman at Gov. Carmencita O. Reyes si Lim bilang representante ng lalawigan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso noong 2007.
Si James Marty L. Lim ay anak ni Gasan Mayor Vicky Lao-Lim at kapatid ni dating National Liga ng mga Barangay sa Pilipinas president Jasper L. Lim.
Inaasahan na makakatunggali ni Lim ang ilan sa mga matutunog na pangalan kagaya nina Incumbent Governor Presbitero Velasco, Jr. at Vice Governor Romulo A. Baccoro, Jr. — Marinduquenews.com