BOAC, Marinduque — Nakatakdang dumating si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa Marinduque sa Martes, Oktubre 19.
Ito ay upang personal na pangunahan ang pagbubukas ng kauna-unahang Malasakit Center sa lalawigan na itinayo sa Marinduque Provincial Hospital sa bayan ng Boac.
Matatandaan na sa huling pagbisita ng senador sa probinsya noong Pebrero 19, 2020 ay ipinangako at ipinahayag nito sa mga mamamayan ng Marinduque ang plano nitong pagtatayo ng nasabing pasilidad.
“Nag-usap kami ni Congressman (Velasco). Magkakaroon po kayo ng Malasakit Center dito sa Marinduque,” sabi ni Go.
“Ubos panahon ninyo, ubos din pamasahe ninyo sa kapipila. Alam po ninyo, kawawa ‘yung Pilipino. Minsan po, sa hangarin pong humaba lang ang kanilang buhay, pipila ng madaling araw para humingi ng tulong. Sa totoo lang, pera nila iyan, kanila iyan. Ibinabalik lang sa kanila sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyong pang-medikal,” dagdag na pahayag ng senador.
Sa pagkakaroon ng Malasakit Center, mapabibilis ang pagbibigay tulong sa mga mamamayang mahihirap na nangangailangan ng pinansyal at medikal.
Si Senador Go rin ang tumatayong chairman ng Senate Committee on Health and Demography, matapos niyang masaksihan ang paghihirap ng low-income Filipinos na magkaroon ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan, naudyukan siyang lumikha pa ng health care policies na lalo pang magpapabuti sa medical care services.
Kamakailan ay naghain si Go ng certificate of candidacy para naman tumakbo bilang bise-presidente ng bansa sa darating na Eleksyon 2022. — Marinduquenews.com