Samahan ng mga solo parent sa Boac, nais palakasin ng LGU

BOAC, Marinduque — Nais palakasin ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang samahan ng mga solo parent sa bayan ng Boac, Marinduque.

Una ng inorganisa ng MSWDO ang Solo Parents Association sa Barangay Tabi kung saan ay humigit 50 solong magulang ang nakiisa at lumahok para sa pagbuo ng organizational structure nito.

Naging tagapagsalita sa naturang gawain si Mayor Armi Carreon na nagbahagi ng kanyang karanasan sa kung paano n’ya pinalaki at pinagtapos sa pag-aaral ang kanyang mga anak bilang isang solo parent.

“Hindi po nalalayo ang aking kwento sa inyo, dahil ako rin po ay naging solo parent ng mga anak ko. Ngunit sa aking pagsisikap at sa patuloy na pagdarasal, napatunayan ko na hindi ako nag-iisa dahil katuwang ko palagi ang ating Panginoon, patuloy po n’ya akong ginagabayan sa aking tungkulin bilang magulang,” pahayag ng alkalde.

Dagdag ni Carreon, layunin ng Boac LGU na mapabuti ang kalagayan ng bawat pamilya, lalo na ang mga bata kaya patuloy na maglalalaan ang kanyang administrasyon ng mga programang pangkabuhayan na tutugon sa pangangailangan ng bawat isang solo parent.

Hangad din aniya ng programa na itaas ang moral at dignidad ng mga solong magulang lalo’t higit ang mapabuti ang kalidad ng buhay ng bawat pamilyang Boakeno. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!