Isa sa 11 nasawi sa sunog sa Binondo, taga-Marinduque

TORRIJOS, Marinduque — Taga-Marinduque ang isa sa mga nasawi sa kalunus-lunos na sunog na naganap sa Binondo, Maynila nitong Biyernes, Agosto 2.

Kinilala ang biktima na si Ivy Reanzares Reforma, 24 anyos mula sa Sitio Malamig, Barangay Tigwi, bayan ng Torrijos na katatapos lamang sa kursong Bachelor of Science in Marine Transportation at nagsasanay sa Maynila para maging seafarer nang mangyari ang trahedya.

Batay sa Manila Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang sunog dakong alas-7:20 ng umaga sa canteen ng apat na palapag na residential-commercial building sa Carvajal St,. sa Binondo.

Sinasabing nagsimula ang sunog sa isang tumagas na tangke ng Liquified Petroleum Gas (LPG) ng kantina.

Dakong alas-10:04 ng umaga nang maideklarang fireout ang sunog.

Ayon kay Kagawad Nelson Ty ng Barangay 289, na-trapped ang mga biktima at hindi na nakalabas, na nagĀ­resulta sa kanilang kamatayan.

Hindi naman makapaniwala ang ina ni Ivy na si Maricris Reanzares Reforma sa sinapit ng kanyang anak.

“Sana panaginip lamang ito, Neneng. Hindi talaga ako maniwala hanggang ngayon. Hirap tanggapin, bakit ikaw pa? Sayang ang mga pangarap mo na malapit mo ng matupad. Mahal na mahal na mahal ka namin mandin. Alam mo iyan,” pahayag ni Maricris.

Sa social media ay bumuhos ang pakikiramay ng mga kaibigan, kaklase at kamag-anak ng biktima sa pamilyang naulila.

“Neng, napakasayang ang pinaghirapan mo sa iglap nawala ka sa amin. Sobrang sakit sa amin ito,” wika ni Elene Decena. (May kasamang ulat mula sa PhilStar) Marinduquenews.com

error: Content is protected !!