BOAC, Marinduque — Inanunsyo ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. ang kanyang pagtakbo bilang kinatawan ng Marinduque sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa darating na 2025 elections.
Sa programang Presby With You ay sinagot ni Velasco, Jr. ang tanong ng isang netizen kung ano ang balak nitong takbuhan sa nalalapit na halalan kasabay ang kumpirmasyon sa planong pagtakbo naman ni Cong. Lord Allan Jay Velasco bilang gobernador ng lalawigan.
“Pupunta po muna tayo sa House of Representatives dahil si Cong. Lord Allan po ay 3 terms ng congressman. May term limit po sa constitution na hanggang 3 terms lang po na consecutive. So magpapalit po muna kami ni Cong. Lord, s’ya muna ang maggo-governor at ako po ay pupunta muna sa kongreso,” pahayag ng punong lalawigan.
Unang nahalal si Velasco bilang gobernador ng Marinduque noong 2019 at muling naluluklok sa kaparehong pwesto noong 2022 elections habang nakatakda namang magtapos sa ikatlong termino bilang kongresista si Cong. Lord Allan. — Marinduquenews.com