QUEZON CITY, Metro Manila — Simula ngayong Bagong Taon, Enero 1, ipinatupad na ang 50 porsiyento na dagdag na benepisyo sa 9,000 na health packages ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na itinulak ni Manoy Wilbert “Wise” Lee sa Kongreso.
Matatandaan na ang 50% dagdag na benepisyong ito ay bahagi ng commitment na isinulong ni Lee sa nakaraang budget deliberation ng Kongreso na pirmado nina Department of Health Secretary Ted Herbosa at PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma Jr. noong Setyembre 25.
Ang nasabing pagtaas ay inanunsyo ng ahensya sa inilabas nitong PhilHealth Circular No. 2024-0037 para mapababa ang “out-of-pocket payment” o gastos sa pagpapa-ospital, mas maproteksyunan ang mga miyembro mula sa financial risk, at masiguro ang pagkakaloob ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Dagdag pa ng ahensya, ang nasabing pagtataas ay para maka-adjust na rin ang kanilang rate o sinasagot na benepisyo sa health inflation nitong nakaraang mga taon.
Ayon kay Lee, na siyang unang nag-expose sa bilyon-bilyong sobrang pondo ng PhilHealth noong Setyembre 2023, bagaman magandang balita ang dagdag benepisyong ito na resulta ng kanyang pangangalampag, nakukulangan pa sya dito dahil marami pa ring sakit ang napaka-laki ng kailangang bayaran, na talagang mabigat na pasanin at pangamba ng mga pasyente at ng kanilang pamilya.
“Hinding-hindi natin titigilan ang paniningil sa mga ipinangako sa ating mga dagdag na benepisyong pangkalusugan. Naniniwala tayo na ang gamot at pagpapagamot, dapat libre na, dapat sagot ng gobyerno. Gamot Mo, Sagot Ko!” giit ni Lee.
Kabilang sa mga itinutulak pang dagdag benepisyo ni Lee mula sa PhilHealth ang:
- Komprehensibong plano mula sa DOH para mapababa ang gastos sa ospital hanggang maging libre na ang pagpapagamot
- Detalyadong listahan ng available na gamot at bakuna sa pampublikong ospital
- Libreng PET scan, CT scan, MRI at iba pang diagnostic tests
- Mas malawak na coverage ng PhilHealth sa pagpapagamot sa kanser at iba pang mabigat na karamdaman.
Nagpasalamat din ang mambabatas sa pakikiisa ng maraming Pilipini at sa lumalakas nang panawagan na ang pondo para sa kalusugan ay dapat gamitin sa kalusugan. — Marinduquenews.com