TORRIJOS, Marinduque — Unti-unti na ngayong inaani ng isang babaeng pulis mula sa bayan ng Torrijos, Marinduque ang bunga ng kanyang sakripisyo, pighati at pagpupunyagi.
Kwento ni Patrolwoman Queennie Co, bago s’ya nakapasok bilang miyembro ng Philippine National Police, 13 beses muna s’yang bumagsak sa iba’t ibang mga entrance at licensure examinations.
Limang beses na nag-take ng Criminology Licensure Exam, 4 na ulit na kumuha ng Napolcom Entrance Examination, isang beses sa Fire Officer at 3 beses sa Civil Service Exam — lahat ng mga ito, BAGSAK!
Taong 2018 nang magtapos ng kolehiyo sa Educational Systems Technological Institute sa Boac si Queennie at ng taong din iyon, kumuha s’ya ng Criminology Board Examination, ng lumabas ang resulta, hindi pasado. Dito n’ya unang natamasa ang sakit at lungkot ng hindi pagpasa.
Narito ang kabuuan ng kanyang pang-KMJS na kwento.
Year 2014 – After ko grumaduate ng High School sabi ko sa mama ko mag-aaral ako ng college at ang kukunin ko na course ay Criminology kasi pangarap ko maging pulis. Pero sabi ng mama ko, walang pera kasi mahal ang tuition. Pero hindi ako pumayag. Gustong gusto ko mag aral pero sa halagang 500 pesos na pagraduate ng Tita ko ay nakapag-enroll ako sa ESTI Boac Marinduque. Nagkaroon ako ng 50% discount ng tuition dahil ina-maintain ko ‘yong grades ko hanggang sa makatapos ako ng college.
Nagpapasalamat ako sa mga magulang ko at sa mga kapatid ko dahil sa walang sawang suporta lalo na sa financial.
Year 2018 – April 4, 2018, ito yung pinakamasayang araw na grumaduate ako ng college. Naghahanda na rin ako for my first Criminology Board Exam Review for December 2018. Lumuwas ako ng Lucena kina Mama Doc, tiyahin ng papa ko para magbantay sa clinic at magtrabaho para may pang-tuition sa CTP Review Center. Habang nagtatrabaho sa umaga sa clinic, pumapasok naman ako sa tanghali sa Review Center kung minsan 11:0 na ng gabi ako umuuwi.
December 12-14, 2018 – Iyan ‘yong mga araw na nagtake ako.
Year 2019 – Lumabas ang result, 1st take, failed ako. Umiyak, nalungkot, nagmukmok at hindi makakain ng maayos. Pero sabi ko sa sarili ko banat ulit magtatake ulit ako ng exam hindi ako masuko hanggat hindi ako nakakapasa. Lumuwas ako ng Quezon City para magwork sa Puregold as Whole Sale Clerk pero nagresigned din for other reasons.
June 2019 – January 5, 2020 – Nagwork naman ako sa Landmark Makati as checker pero habang naga-work ako nagseself review ako for my 2nd take sa Criminology Board Exam. Lumabas ang result, failed ulit, malungkot ulit pero sabi ko banat ulit magtatake ulit hindi ako masuko.
Year 2020-January 7, 2020 – Umuwi na ako ng Marinduque kasi end of vontract na ako, mabuti na lamang hindi ako naabutan ng pandemic sa Makati at nakauwi ako agad.
June 2020 – During pandemic, habang nasa bahay at hindi makalabas, may nabalitaan ko sa Social Media post na may applayan sa munisipyo namin as GIP (Government Internship Program) nag apply ako at thankful ako kasi natanggap ako.
June 16, 2020-December 16, 2020 – Na-deploy ako sa Torrijos Municipal Police Station sa loob ng 6 months. Nagrequest ako sa COP ko na kung pwede mag Job Order naman ako dahil tapos na ang kontrata ko as GIP, nag oo naman si Sir dahil maganda ang naging work performance ko sa Torrijos MPS.
Nagkaroon ng Announcement ang NAPOLCOM na magkakaron ng CAEX sa Main Office ng NAPOLCOM, nagfile ako kahit kasagsagan ng pandemic. Unang take ko ng NAPOLCOM Entrance Exam, failed ako. Iiyak lang pero hindi susuko. Sabi ko okay lang take ulit.
Year January 2021 – Start na ako ng work ko as Job Order sa Torrijos MPS ulit. Habang nagwo-work, nakakaipon ng pangtuition sa review center ulit. Nagtake ulit ako ng Criminology Board Exam in my 3rd attempt, lumabas ang result failed ulit. Sabi ko take lang ng take ulit, walang susuko sabi ko sa sarili.
Year 2022 – Self review ulit habang nagatrabaho para sa Criminology Licensure Exam June 2022, lumuwas ulit ako for my 4th takes. Lumabas ang result failed ulit. Sabi ko ulit sa sarili ko magtatake ulit ako sa pang limang take ko sa Board Exam. Nag take din ako sa NAPOLCOM Entrance Exam for my 2nd take but failed again.
December 2022 – Lumuwas ulit ako ng Marikina for my 3rd take ng NAPOLCOM Entrance Examination but failed again.
Nagtake rin ako sa Criminology Licensure Examination for my 5th takes but failed again. Naabutan na kasi ako ng RA 11131. Sabi ko na lang pahinga muna ako sa pagtake ng exam baka di talaga para sa akin.
Year 2023 – Nag announce ulit ang NAPOLCOM may schedule ulit ng exam, lumuwas ulit ako sa Lucena, nagtake ulit for my 4th take. Lumabas ang result but failed again.
December 8, 2023 – Feast of Immaculate Conception, bago lumuwas ng Calapan dumaan muna ako sa Immaculate Conception Cathedral Parish Boac, Marinduque upang humingi ng gabay sa aking pagsusulit at patibayin ang aking kalooban at bigyan ng liwanag ang aking isipan.
December 10, 2023 – Lumuwas ako papuntang Calapan para magtake ulit ng NAPOLCOM Entrance Examination for my 5th take. Bago ako mag exam nanalangin ako sa Poong Maykapal at nagpatasa ako ng lapis sa aking proctor. Habang nag-e-exam ako hawak hawak ko ‘yong Sto. Ñiño na maliit sa kaliwang kamay na bigay sa akin ni Ma’am PCpl Maria Ilhona Jane Panganiban na bili pa nya galing Cebu. After exam sinabi ko sa sarili ko na ito na ‘yong huling exam ko at hindi na ako babalik sa lugar na ito.
Nagtry din ako mag-exam sa CSC ng 3 beses at 1 beses sa FOE pero failed pa rin baka hindi para sa akin ‘yon.
February 29, 2024 – Lumabas ang result ng wala akong kaalam alam, mga pulis ng Torrijos MPS ang tumawag sa akin para ipaalam sa akin na nakapasa ako. Sobrang tuwa nila lalo na ang pamilya ko na sa wakas ay nakapasa na rin ako. Hindi ako nagpost kasi ayaw ko na may maka alam na iba dahil gusto ko tahimik lamanng ako na gagawa. Thank you Lord, kasi hindi mo ako pinabayaan sa naging hamon at pagsubok ng aking buhay. Ako iyong tao na hindi basta basta sumusuko kahit ilang beses man bumagsak.
March-October 2024 – Nagsimula na akong magpalakas ng aking katawan at mag ayos ng mga dokumento na gagamitin ko sa recruitment. Kaya pala ako nag-iipon kasi may purpose pala yun. After ng 8am-5pm na work ay tumatakbo na ako hanggang alas 7:00 ng gabi, nagbawas ng kilo para hindi mahirapan sa pagtakbo.
October 15, 2024 – Nagdecide na ako na mag end na ng contract ko as Job Order sa Torrijos MPS. Halos 4 na taon din akong nag trabaho sa Torrijos MPS as Job Order at sobrang laking pasasalamat ko po sa Torrijos MPS personnel na s’yang laging nakasuporta sa akin at nagbigay ng kaalaman sa mga gawain pang opisina at pang komunidad. Salute po sa inyong lahat.
October 28, 2024 – Lumuwas ako ng Calapan dahil umpisa na ng recruitment at pasahan na ng folder.
November 2024 – Umpisa na ng validation ng folder, mabuti na lamang lahat ng documents ko ay kompleto.
BMI- mabuti na lamanng saktong 5 flat ako. Napa-thank you Lord talaga ako, saka mabuti at nagbawas din ako ng kilo noon from 60 kilos down to 52.9 kilo. Pasado.
PAT- Kahit sobrang pagod at gutom iniisip ko lagi ‘yong pamilya ko para maging lakas ko. Nakasama ako sa ranking. Pasado ulit.
PPE- Kabado na kasi ina-announce na ‘yong mga pumasa at pasalamat ako kasi natawag ang pangalan ko. Pasado ulit.
CBI- Pasado ulit.
Final Committee Interview and Final Deliberation- Pasado ulit.
Thank you Lord, dahil sa unang apply isa ako sa babaeng maswerte sa Marinduque na nakapasa sa lahat ng stages ng recruitment at napasama sa Lucky 9 ng Marinduque applicants.

December 10, 2024 – Ito na ‘yong pinakahihintay na araw namin, ang Oath Taking Ceremony. Masaya na may halong lungkot dahil yung Mama ko lang yung naka-attend, mas maganda sana kung lahat sila nandoon noong time na ‘yon pero sa kadahilanan na may mga kanya kanyang trabaho sila akin naman silang naunawaan.
After Oath taking, 30 mins na binigyan kami na makasama, mayakap at mahalikan ang aming pamilya. Sobrang lungkot pero kailangan para sa pangarap at para na rin sa aking pamilya. Halos iyakan kami ng Mama ko habang nag-uusap sa telepono habang nasa biyahe kami papuntang PRTC MIMAROPA.
Doon na nag umpisa ang lahat, anim na buwan kaming nagtiis ng lungkot. Kahit maraming pagod at puyat, pamilya ko pa rin ang aking kalakasan. Thank you Lord, dahil ginabayan at iningatan mo po kami sa araw araw naming gawain sa loob ng Training Center.
June 10, 2025 – Graduation Day! Ito ‘yong pinakamasayang araw ko dahil nandun ‘yon pamilya ko na muli kong nayakap ng mahigpit na nangulila sa loob ng 6 na buwan. Malungkot lang kasi kulang kami dahil ‘yong ate ko ay nasa Taiwan.
Sa lahat po ng mga taong nasa likod ng tagumpay ko na ito, maraming salamat po sa inyong lahat.
Sa lahat po ng mga na-fafailed sa lahat ng examination, mag-exam lang po ng mag-exam hangga’t hindi po kayo nakakapasa. Huwag n’yo pong sukuan, hayaan n’yo rin po ‘yong mga tao na nagda-down sa inyo at sila po ang gawin ninyong inspirasyon.
5x Failed- Criminology Licensure Examination
4x Failed- NAPOLCOM Entrance Examination
1x Failed- Fire Officer Examination
3x Failed- Civil Service Examination
Passed the NAPOLCOM Entrance Examination December 2023
“When the time is right, I, the Lord, will make it happen” Isaiah 60:22
Ito ‘yong bible verse na pinanghahawakan ko kada bumabagsak ako hanggang sa maging passer ako ng Napolcom Entrance Exam. Legit talaga kapag buo ang pananampalataya mo ipagkakaloob ng Panginoon sa iyo sa tamang panahon.
Sa ngayon, si Patrolwoman Co ay naka-assign sa Boac Municipal Police Station.
Nawa ay kapulutan ng inspirasyon, ang kanyang kwento na sa bawat pagbagsak — bumangon, magpatuloy dahil habang tayo ay humihinga, habang tayo ay nabubuhay, mayroon at mayroong pag-asa. Sa Diyos lagi ang kapurihan, Amen. — Marinduquenews.com