SANTA CRUZ, Marinduque — Nagkaloob ng mga donasyong food packs, medical devices, rescue at emergency kits ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa bayan ng Sta. Cruz, Marinduque bilang bahagi ng kanilang patuloy na programang pagtulong sa lokal na pamahalaan.
Pormal na tinanggap ni Sta. Cruz Mayor Marisa Red-Martinez ang mga donasyon mula kay PCSO General Manager Mel Robles sa isang simpleng seremonya.
Ayon kay Robles, layunin ng programa na mas mapalakas ang kapasidad ng mga bayan sa pagtugon sa mga pangangailangang medikal at pang-emergency, lalo na sa mga panahong may sakuna o kalamidad.
Lubos ang pasasalamat ni Mayor Red-Martinez sa ahensya sa kanilang tulong at suporta para sa mga mamamayan ng Sta. Cruz.
“Malaking bagay po ito para sa amin, lalo na sa panahon ng sakuna at kalamidad. Salamat sa PCSO sa pagbibigay halaga sa kalusugan at kaligtasan ng aming mga kababayan,” pahayag ng alcalde.
Inaasahan na ang mga kagamitang ito ay makatutulong sa pagpapaigting ng serbisyong medikal at pang-responde ng lokal na pamahalaan sa Sta. Cruz. — Marinduquenews.com