MACEC, 29 na taon ng nakikibaka para sa karapatang pangkalikasan

BOAC, Marinduque — Sa pagdiriwang ng ika-29 na anibersaryo ng Marinduque Council for Environmental Concerns (MACEC) na ginanap nitong Hulyo 27 sa Sacred Heart Parish, Brgy. Poras, Boac muling pinagtibay ng organisasyon ang kanilang paninindigan para sa pangangalaga sa kalikasan at katarungang panlipunan, kasabay ng paggunita sa trahedyang dulot ng Marcopper mine tailings spill noong 1996 sa tinaguriang puso ng Pilipinas.

Ang tema ngayong taon, “Tumutugon sa Tawag ng Diyos, sa Hinabing Pagkilos nang ang Pag-asang Lubos, na Manauli ang Sangnilikhang sa Kapayapaan ay Puspos”, ay nagsilbing paalala sa patuloy na laban ng mga Marinduqueño upang maibalik ang kalinisan at kasaganaan ng kapaligiran.

Dumalo sa pagtitipon sina Bokal Jojo Leva, dating Bise Gobernador Adeline Angeles, at Fr. Jojie Mangui, kura paroko at pinuno ng Social Action Commission. Tinalakay sa pagtitipon ang mga nagawa at isinusulong ng Sangguniang Panlalawigan kaugnay ng pangangalaga sa kalikasan, kabilang ang Enhanced Greening Program, Arbor Day Act Integration, Gulayan sa Puso ng Pilipinas, at Rights of Nature Environmental Code.

Kabilang din sa mga inisyatibang binigyang-diin ang pagtutol sa pagtatayo ng asphalt plant sa Mogpog, pagsang-ayon sa Settlement Agreement sa Barrick Gold, paggiit ng pananagutan ng Marcopper, pagbuo ng panuntunan sa rehabilitation fund, at paglalaan ng ₱300,000 taunang pondo para sa MACEC sa susunod na limang taon.

“Salamat sa mga naging bahagi ng pagtatag ng MACEC at sa mga lider na patuloy na naglalaan ng sarili upang mapanatiling buhay at matatag ang 170 chapters at mahigit 10,000 kasapi sa lalawigan,” pahayag ng organisasyon. “Patuloy naming isusulong ang pangarap na magkaroon ng malinis, mayaman, at nagbibigay-buhay na kapaligiran para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon ng mga Marinduqueño.”

Bilang pangunahing resolusyon ng asamblea, hiniling ng MACEC ang suporta ni Cong. Reynaldo Salvacion para sa agarang pagpasa ng Mining-Free Zone Bill at Rights of Nature Bill upang tuluyang maisabatas ang mga ito. — Marinduquenews.com