Philippine Sailfin Dragon, binawian ng buhay matapos kagatin ng aso sa Gasan

BOAC, Marinduque — Isang sugatang Philippine Sailfin Lizard, kilala rin bilang Philippine Sailfin Dragon (Hydrosaurus pustulatus), ang naiulat sa Provincial Veterinary Office-Marinduque Animal Rescue Emergency Response Team (PROVET-MAWRERT) matapos itong atakihin ng mga asong gala sa Brgy. Bachao Ilaya, Gasan.

Agad na rumesponde ang MAWRERT at kinuha ang nasabing buhay-ilang upang bigyan ng agarang lunas. Gayunpaman, ilang oras lamang matapos itong masagip, binawian din ito ng buhay dahil sa malubhang sugat na tinamo mula sa kagat ng mga aso.

Ayon kay Dr. Josue M. Victoria, itinuturing ang insidente bilang malinaw na patunay na ang mga asong gala ay hindi lamang banta sa kaligtasan at kabuhayan ng mga tao, kundi pati na rin sa livestock industry at sa mga buhay-ilang sa lalawigan.

Ayon sa mga tagapagtaguyod ng kalikasan, nanganganib nang maubos ang lahi ng Philippine Sailfin Lizard hindi lamang dahil sa mga atake ng hayop kundi lalo na sa patuloy na ilegal na panghuhuli dito upang gawing pulutan.

Ang Philippine Sailfin Dragon ay kabilang sa sub-order ng Iguania at pamilya Agamidae. Ito ay isang natatanging uri ng reptilya na matatagpuan lamang sa Pilipinas at itinuturing na mahalagang bahagi ng likas-yaman ng bansa. — Marinduquenews.com