TORRIJOS, Marinduque – Ang lalawigan ng Marinduque ay buong siglang nakikiisa sa taunang pagdiriwang ng ‘rabies awareness month’.
Sa kasalukuyan ay puspusan ang ginagawang paghuli sa mga asong gala sa barangay Dampulan sa bayan ng Torrijos at iba pang barangay sa buong lalawigan sa pangunguna ni Dr. Josue M. Victoria, Marinduque Provincial Veterinary at mga tauhan ng Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo.
Layunin ng gawaing ito na mapanatili ang estado ng Marinduque bilang isang probinsiya na ligtas sa panganib na dulot ng rabies, gayundin upang tuluyan ng masupil ang mga aksidente sa mga motoristang kinasasangkutan ng mga asong gala.
Tinitiyak din ng Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo na ang paraan ng paghuli ay naaayon sa probisyon ng RA 8485 o ang Animal Welfare Act of 1998 at RA 9482 o ang Anti-Rabies Act of 2007.
Hangad ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Gob. Carmencita O. Reyes na walang Marinduqueno ang magbubuwis ng buhay dahil sa kagat ng aso at aksidenteng kinasasakutan ng mga asong gala.