BOAC, Marinduque – Maliban sa essay writing competition na isinagawa ng Department of Social Welfare and Development-Marinduque, kasalukuyan din naman silang tumatanggap ng mga kalahok para sa Search for Contemporary Woman 2017.
Layunin ng kompetisyon na ito na maipamalas ng mga kababaihan na benepisyaryo rin ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang kanilang galing sa pakikiisa sa pagbago ng kanilang komunidad at pagpapamalas ng kanilang adbokasiya para sa mga kababaihan tulad ng pagiging boses laban sa pang-aabuso sa kanilang karapatan.
Ang patimpalak na ito ay bukas para sa lahat ng kababaihan na may edad na hindi baba sa 15 taon gulang at may 85 porsiyento ang pagsunod sa lahat ng kondisyon ng 4Ps.
Ang mga pwedeng magmungkahi ng kanilang kandidata mula sa kanilang komunidad ay: 1) kapwa benepisyaryo; 2) parent leaders; 3) local community partners mula sa Department of Education (guro, punong-guro at iba pang opisyal ng eskwelahan); 4) municipal health officer; 5) City/Municipal Social Welfare Development Office; 6) Philippine National Police; 7) barangay/city/municipal government officials/employees/workers, at 8) civil society partners na pwedeng maggarantiya sa karakter ng kanilang ipapanlaban.
Nakapaloob sa criteria for judging ang: 1) character (25 porsiyento) ; 2) leadership/ participation in community services (35 porsiyento); 3) witnessing (20 porsiyento), at; 4) written article at audio visual presentation na naglalaman ng kanyang naiambag sa kanyang adbokasiya para sa kababaihan.
Ang tatanghaling kampyon ay siyang ipapanlaban sa regional competition na maaaring mag-uwi ng P5,000 at kikilalaning Women Ambassador of Pantawid Pamilya.
Sa mga nagnanais pang sumali sa patimpalak ay mayroon pa silang panahon hanggang unang linggo ng Abril para makapagpasa ng mga kinakailangan.