BOAC, Marinduque – Nagsagawa ng talakayan ang mga kasapi ng Economic Development Sector (EDS) tungkol sa mga mungkahing programa at proyekto para sa taong 2018 SA Marinduque.
Ayon sa Marinduque Provincial Government, kabilang sa mga dumalo at naglatag ng kanilang mga plano para sa susunod na taon ay mula sa national government agencies (NGA), local government unit (LGU) at non-government organization (NGO).
Bilang miyembro ng Economic Development Sector, ipinakita ng Provincial Veterinary Office (PVetO) sa pangunguna ni Dr. JM Victoria na nais ng kanilang tanggapan na mapataas pa nila ang bilang ng kanilang kalakal-panluwas na mga hayop na dinadala sa Maynila maging sa mga kalapit probinsya. Isa kasi ang pag-aalaga ng mga livestock sa kabuhayan ng mga magsasakang Marinduqueno na nais palaguin ng PVetO.
Nais naman ng Provincial Agriculturist Office (PAO) na sa kanilang pamamahala para sa 2018 ay matutukan nila ang pagpapasigla ng coco sugar production na nagmumula sa dwarf coconuts. Matatandaan na ang pananiman ng niyog ay isa sa mga hinagupit ng bagyong Nina noong nakaraang taon kaya nais ng PAO na muling mapanumbalik ang dating sigla ng mga pananim sa buong probinsya.
Hangad naman ng Provincial Engineering Office na maipagpatuloy ang pagsasaayos at pagpapalawak ng mga kalsada lalo na sa mga liblib na lugar na magsisilbi ring farm-to-market road. Sa katauhan naman ng Department of Interior Local Government ay isasagawa rin nila ang kanilang proyekto na Konkreto at Ayos na Lansangan ang Daan Tungo sa Pangkalahatang Kaunlaran o Kalsada Program kung saan layunin nito na mapangalagaan ang mga kalsada upang mas matagal at mabuting mapangalagaan.
Maging ang Provincial Tourism Office ay naghahanda na rin para sa napipintong paghahawak ng Marinduque sa 2018 Mimaropa Festival na dadaluhan ng mga kasaping lalawigan nito sa rehiyon.