Walang natutuwa at talagang nanggagalaiti na ang ating mga kababayan sa nagaganap na paulit-ulit at maya’t mayang brownout sa ilang mga bayan sa lalawigan ng Marinduque. Sa loob ng isang araw ay umaabot sa dalawa hanggang tatlong beses ang brownout na tumatagal nang tatlo hanggang apat na oras ang pinakamalala. Kaya naman ang ilan sa ating mga Ka Ngani ay hindi na napigilan ang maglabas ng sama ng loob sa social media sa umano’y inutil at palpak na serbisyo ng Marinduque Electric Cooperative o Marelco.
“Hindi po ngayon Pasko para i-on and i-off n’yo. Nakakasira na kasi kayo ng appliances, ang gagaling n’yong maningil tapos ganyan po ang serbisyo n’yo! -Ivy Obando, Santa Cruz.
“Marelco, 5:05 na ng hapon, pero wala pa ring ilaw sa ngayon. Kung maaari sana, kung magaschedule kayo ng brownout ay asundin ninyo. Niloloko ninyo ang taumbayan. Hoy, huwag kami, kayo na lang! -Reijohn Mendones, Torrijos.
“Okay laang naman mag-brownout pa minsan-minsan, kasama ‘yon sa buhay kasi hindi naman talaga perpekto ang makina at mga linya ng kuryente pero kapag ganito naman ang sitwasyon ng kuryente natin, halos araw-araw at gabi-gabi, tapos on and off pa, ay ibang usapan na iyan. I think, malaking problema na ito na dapat resolbahin, marami na ang nagasakripisyo, marami na rin ang naaapektuhan. Iyong iba, nagkakaproblema sa kanilang mga appliances. Ang matindi may ilang negosyo ang posibleng malugi. Opo, nauunawaan namin kayo Marelco pero dapat unawain rin ninyo ang sentimeyento ng inyong mga consumers. Pero hanggang kailan kami magtitiis ng ganito? Nakikiiusap po kami na tapusin na ninyo ang kalbaryo na dinaranas ng mga Marinduqueno. Maawa kayo Marelco!” -Diomer Dela Rosa Dy, Santa Cruz.
Panawagan naman ni Dominic Daniel sa pamunuan ng kooperatiba, “General Manager Gaudencio M. Sol of Marelco, if you cannot fix the non-stop brownouts in Marinduque, please resign! You are not fit for that position because you cannot solve the perennial problem in Marinduque, brownout!”
Mismong ang Facebook page ng Marelco ay puno rin ng mga negatibong komento. Katunayan, mayroon lamang itong 1.6% out of 5% satisfaction rating. Base sa mga reviews, lumalabas na hindi maayos ang serbisyong nakukuha ng mga mamamayan mula sa Marelco.
Ayon sa pinakahuling paliwanag ng Marelco na ibinahagi sa kanilang Facebook account noong Hunyo 10, ang nangyayaring brownout ay sanhi ng mga sumusunod: 1) Replacement of OSM Recloser at Mangyan, Mogpog 2) Cutting of coconut trees at barangay Tarug, Mogpog 3) Pole to pole inspection and maintenance and 3) To give way to the maintenance for the installation of OSM Recloser and control at San Vicente, Santa Cruz.
Dagdag pa ng tanggapan, “Sinisikap po ng Marelco na maresolba ang madalas na pagkawala ng kuryente lalo na sa mga lugar mula sa barangay Mangyan, Mogpog hanggang bayan ng Torrijos. Dahil dito magsasagawa ang Technical Team ng Marelco ng paglilinis at pagsasaayos ng linya at lahat ng mga accessories nito sa mga lugar na nabanggit upang mawala na ang panakanakang power interruptions na ito. Magsasagawa din po ng pagpapalit ng recloser sa barangay Mangyan, Mogpog at gayundin ng pagpuputol ng puno ng niyog sa barangay Tarug, Mogpog. Ito po ay magaganap sa Sabado, June 10, 2017 mula ika-8:00 ng umaga hanggang ika-5:00 ng hapon. Ang mga apektadong lugar ay mula sa barangay Bantad, Boac at mga bayan ng Mogpog, Sta. Cruz at Torrijos. Salamat po.”
Dekada na ang problemang ito sa ating lalawigan. Mula ng ako ay magkaisip, patay sindi na ang ilaw. Umalis, bumalik, nagkauban na ako’t lahat, hindi pa rin ito nasosolusyonan. Take note, kung hindi makina ng Napocor ay sumabit na palapa sa ‘transmission line’ ang ilan sa itinuturo at pare-parehas ninyong dahilan. Kaya ang aking malaking katanungan, ano po baga ang long term solution ng inyong tanggapan sa paulit-ulit na problemang ito?
Bilang kaututang dila at sanggang dikit ng presidente, at bilang chairman ng energy committee, Congressman Lord Allan Jay Velasco.
Bilang ina ng lalawigan at inugatan na sa posisyon, Governor Carmencita Reyes.
Bilang presiding officer ng Sangguniang Panlalawigan, Vice Governor Romulo Bacorro.
Sa ating mga bokal, baka pwede naman po itong talakayin sa isa sa inyong mga sesyon para magkaroon ng tamang root cause analysis at upang matulungan ang Marelco para makapaglatag ng karampatang solusyon para dito.
Mga Sir at Ma’am, kayo po ang pinagkatiwalaan ng ating mga kababayan na matulong sa kanila, malapit na pong matapos ang inyong termino, baka gusto n’yo naman pong magpakitang gilas kahit papaano.
Ang Marinduque News Network ay bukas para sa anumang pahayag mula sa mga kinauukulan hinggil sa usaping ito.