BOAC, Marinduque – Bilang pakikiisa sa pagpapababa ng bilang ng biktima ng polio sa buong mundo, nakiisa ang mga Marinduqueno sa katatapos lamang na End Polio Run: A Nationwide Fun Run na pinangunahan ng Rotary Club of Marinduque North (RCMN).
Nagsimula sa ganap na ika-6:00 ng umaga ang fun run na sinalihan ng mga propesyonal at kabataan kung saan naging katuwang ng RCMN ang Rotaract Club of Marinduque North- School Based na pinangungunahan ni Ernest Karl Espiritu ng Marinduque State College (MSC).
Anim na kilometro at sampung kilometro ang tinakbuhan ng mga nakiisa sa pagtakbo. Ang anim na kilometro ay nag-umpisa sa provincial capitol hanggang Marinduque Electric Cooperative (Marelco) at pabalik muli sa kapitolyo samantalang simula sa kapitolyo hanggang Caganhao, Boac at pabalik din ng kapitolyo ang para sa 10 kilometro.
Ayon kay Great Governor Maria Lewina A. Tolentino ng District 3820, ang pondo na kanilang nalikom ay ipadadala sa Rotary International kung saan paghahatian ito ng iba’t ibang bansa para sa mga vaccines lalo na sa may mga matataas na bilang ng biktima ng sakit na ito gaya ng Pakistan, Afghanistan at Nigeria. Bukod sa Marinduque na kasapi ng District 3820 ay nagsagawa rin ng fun run ang mga probinsya ng Quezon, Batangas, Laguna, Oriental Mindoro at Bicol.
Ang End Polio Campaign na ito ay taunang isinasagawa ng Rotary International kung saan ay nakapagtala na sila 2.5 bilyong mga batang nabakunahan mula sa 122 bansa sa buong mundo.