BOAC, Marinduque – Kasabay ng pagdiriwang ng ika-40 kaarawan ni Cong. Lord Allan Velasco, nagtanim ang kongresista kasama ang mga empleyado ng ahensya ng pamahalaan ng apatnapung kawayan sa barangay Tanza, Boac, Marinduque.
Naging katuwang ni Velasco sa pagpapasinaya ng “Three Plantation Project” na ito ang Department of Environment and Natural Resources (DENR)- Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) at Marinduque State College (MSC). Hangad ng mga stakeholder ng proyektong ito na makapagtanim ng 40,000 bamboo sa Marinduque upang makatulong sa pagpapalago ng kabuhayan at paunlarin ang ecotourism sa probinsya.
Matapos ang pagtatanim ng mga kawayan ay nagkaroon din ng paglulunsad ng bamboo nursery sa MSC na pinangunahan ni Dr. Merian Mani, pangulo ng pamantasan, sa pakikipagtulungan pa rin ng DENR, Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque at Congressional District.
Layunin ng programang ito ang rehabilitasyon ng mine-out areas na naapektuhan ng sakuna na idinulot ng Marcopper sa lupa, tubig at hangin na malapit sa mga ilog na dinaanan ng mine tailings noong 1996. Kabilang sa gawaing ito ang pagpapatayo ng bamboo nursery, pagpapaunlad ng nature park sa barangay Capayang, Mogpog at pamamahala ng nasabing lugar. -Marinduquenews.com