BOAC, Marinduque — Kasabay ng pagdiriwang ng 395th founding anniversary ng bayan ng Boac ay ipinamalas ang makulay na pagtatanghal ng 1st School-Based Bila-Bila Festival Competition.
Sa mismong araw ng kapyestahan ng bayan ay ipinamalas ng mga mag-aaral mula sa Educational System and Technological Institute (ESTI), Ilaya National High School (INHS) at Cawit Comprehensive National High School (CCNHS) ang kanilang galing sa pagsasayaw sa kalsada habang suot ang kanilang pakpak at malaparu-parong kasuotan.
Matapos ang kanilang pagparada sa buong Poblacion ay nagtungo ang mga nagtanghal na mag-aaral sa Moriones Arena kung saan ay muli nilang ipinakita ang kanilang presentasyon sa loob ng 20 minuto.
Read also: DOT, naglaan ng kalahating milyon para sa farm tourism ng Marinduque
Base sa mga hurado, ang may pinakamagandang konsepto at pagtatanghal na naipakita ay ang mga mananayaw mula sa INHS na nagkamit ng isang tropeyo at P50,000.00. Naiuwi naman ng CCNHS ang ikalawang pwesto at nag-uwi ng P30,000.00 samantalang ang mga mag-aaral naman mula sa ESTI nag nakasungkit ng ikatatlong pwesto na may premyong P20,000.
Maliban sa mga estudyante na nagpamalas ng pagsayaw ay natanghal din ang mga kinatawan ng Marinduque sa street dance competition na isinagawa sa Romblon sa nakalipas na Mimaropa Festival.
Ang pagdiriwang ng Bila-Bila Festival ay ginagawa taon-taon sa bayan ng Boac kung saan ay isinasabay rin ito sa kapyestahan ng kanilang patron na Imakulada Konsepsyon. — Marinduquenews.com
#MakeADifference: Help us to stay up, help us to buy a video camera