Regina Ongsiako-Reyes shows her passport and other documents | File photo |
MANILA, Philippines – Ibinasura ng Comelec sa botong 3-0 ang disqualification case na inihain ng isang Elleasar H. Velasco laban kay Marinduque Rep. Regina O. Reyes.
Sa resolusyon ng Comelec 1st Division noong Abril 29, 2016, sinasabing kwalipikado si Reyes para tumakbo bilang kinatawan ng Marinduque ngayong halalan 2016.
Sinang-ayunan ng Comelec na isang natural-born Filipino citizen si Reyes matapos makapagsumite ng Identification Certificate na iginawad ng Bureau of Immigration, alinsunod sa Citizenship Retention and Re-acquisition Act of 2003.
Nagbigay rin si Reyes ng kopya ng kanyang Affidavit Reiterating Renunciation of Foreign Citizenship, bilang pagtakwil nya sa kahit anong uri ng banyagang pagkamamamayan.
Nabigo ang kampo ni Velasco na magpakita ng sapat na ebidensya upang patotohanan ang alegasyong kulang ng residency requirement si Reyes.
Dagdag pa ng Comelec, hindi maaring gawing batayan ang isang naunang desisyon ng Korte Suprema para i-diskwalipika ngayon si Reyes.
Ang naghain ng kaso na si Elleasar H. Velasco ay kamag-anak ni SC Justice Presbitero Velasco na ama naman ng kalabang kandidato ngayon ni Reyes na si Lord Allan Velasco.
Si Justice Velasco rin ang chairman ng House of Representatives Electoral Tribunal, na naging susi upang matanggal si Reyes bilang Kinatawan ng Lone District of Marinduque kamakailan.
Kumbinsido ang unang dibisyon ng Comelec na may mas malinaw at kumpletong basehan si Reyes sa lahat ng naging deklarasyon n’ya sa kanyang COC.