BOAC, Marinduque – Hanggang 50 scholarship sa mga kabataan at mamamayang gustong matuto ng ‘Organic Agriculture Production NCII’ ang iniaalok ng AGREA Farm School sa pakikipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa probinsya ng Marinduque.
Bukod sa libreng tuition fee at assessment, makatatanggap din ang mapipiling aplikante ng Student Allowance na nagkakahalaga nang Php 60.00 bawat araw at Book Allowance na Php 500.00 sa kabuuan ng programa.
Layunin ng pagsasanay na paunlarin ang kakayahan at galing ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng organikong pagsasaka.
Tatagal ang programa sa loob ng isang buwan. Ito ay magsisimula sa ika-2 ng Agosto at magtatapos sa ika-31 ng kaparehong buwan.
Upang makapasok sa nasabing scholarship, kailangang Pilipino ang aplikante, hindi bababa sa 15 taong gulang at high school graduate.
First-come, first-served basis ang scholarship. Kailangan lamang ihanda ang mga sumusunod na documentary requirements:
- Kopya ng Form 138 o Report Card
- 5 pcs 1×1 photograph (white background)
- 4 pcs passport size photograph (white background, formal)
- Medical certificate
- Barangay clearance
- Isa sa mga sumusunod na dokumento na nagpapatunay na hindi tataas sa Php 300,000.00 ang ‘family income’ ng aplikante:
- Annual Income Tax Return or Certificate of Compensation Payment;
- Tax Withheld for the previous year;
- Certificate of Tax Exemption mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) o Certificate of Indigency
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring magtungo sa AGREA Estate Farm Office sa Barangay Cawit, Boac, Marinduque, hanapin si Lorie Licop o kaya ay magtext sa 0946-649-5828, 0927-198-3835, tumawag sa (042) 332-0025 mula Lunes hanggang Biyernes, 9AM-5PM o kaya ay sa pamamagitan ng email: agreafarmschool@gmail.com.
Gayundin, maaaring makipag-ugnayan sa TESDA Provincial Office, 2nd Floor JRT Building, Magsaysay St., Barangay Isok I, Boac, Marinduque, tumawag sa (042) 332-0231 o mag-email sa region4b.marinduque@tesda.gov.ph. –Marinduquenews.com