BOAC, Marinduque – Nagkaroon ng pagkakataon ang Rotaract Club of Lucena South (RACLS) na magsagawa ng oryentasyon sa mga estudyante ng Marinduque State College (MSC) na nagnanais na sumali sa Rotaract.
Layunin ng oryentasyon na ito na mabigyan ng kaalaman ang mga nagnanais na mapasapi sa Rotaract na may edad na 18-30 taong gulang at maipaliwanag sa kanila ang kahalagahan ng pagsali rito.
Ayon kay past president Giovanni Angara ng RACLS, ang Rotaract ay isang organisasyon na binuo para sa mga kabataan na may hangaring makatulong sa kanilang komunidad.
Dagdag pa niya, nakatuon ang pagtulong ng kanilang organisasyon sa mga sumusunod: basic education and literacy; water and sanitation; maternal and child health; peace and conflict resolution; community and economic development; at disease prevention and treatment.
Maging ang mga dating presidente ng Rotary Club of Marinduque North na sina Lina Kawanoue at Aquilina Rivas at Youth Director John Pelaez ay dumalo sa oryentasyon.
Inaasahan naman na bago magtapos ang buwan ng Nobyembre ay magkakaroon ng ‘induction ceremony’ ang RACMSC bilang pagtanggap sa mga bagong miyembro at opisyal ng kanilang organisasyon. – Marinduquenews.com