MOGPOG, Marinduque — Aabot sa isang metriko tonelada o 60 pirasong ‘double dead’ na baboy ang nasabat ng Provincial Veterinary Office (PVO) sa Balanacan Port, Mogpog kamakailan.
Ayon kay Dr. Josue Victoria, provincial veterinary officer habang nagsasagawa ng inspekyon ang mga tauhan ng PVO sa naturang pantalan ay nakita sa isang door to door van ang ilang malalaking plastic storage box na naglalaman ng slaughtered o katay na baboy.
Aniya, tangka sanang ipuslit ang mga ilegal na kargamento palabas ng Marinduque patungong Bacoor, Cavite.
Paliwanag ni Victoria, mahigpit na ipinagbabawal ang pagluluwas ng katay na baboy lalo na iyong hindi dumaan sa pagsusuri ng meat inspector at hindi kinatay sa accredited na bahay-katayan.
“Ang ganito pong gawain ay tahasang paglabag sa Republic Act No. 9296 as amended ng Republic Act No. 10536 o mas kilala sa tawag na ‘Anti-botcha Law’, saad ng panlalawigang beterinaryo.
Ang mga mahuhuli at mapatutunayang nagbebenta, nagbibiyahe at nag-aalok nito ay makukulong ng mula 6 hanggang 12-taon at pagmumultahin ng mula P100,000 hanggang 1-milyong piso.
Kasalukuyan ng ipinoproseso ng mga opisyales ng Mogpog Municipal Police Station ang pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa nasabing insidente. — Marinduquenews.com