BOAC, Marinduque – Matapos personal na makita ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Regina “Gina” Lopez ang naging epekto ng malawakang pagbaha ng tailings ng Marcopper sa ilog ng Mogpog at Boac, nais ng kanilang ahensya na gawin ang mga abandonadong minahan bilang ecotourism destination.
Ayon kay Lopez, makatutulong ang biochar upang mapanumbalik ang katabaan ng lupa sa pamamagitan ng uling. Epektibo umano ang ganitong pamamaraan upang muling mapagtaniman ang napabayaang lugar at malaki ang maaaring maitulong nito sa organikong pagsasaka.
Bukod pa rito, malaki rin ang magiging papel ng biochar sa pagpapabuti ng kalidad at dami ng tubig sa lupa.
Kagaya ng ginawa ng ahensya sa Surigao del Norte, hangad din ng DENR na magkaroon ng forest park sa mga lugar na inabandona matapos magsara ang mga minahan sa lalawigan.
Nangako rin ang kalihim ng kagawaran na tutulungan nilang bumuo ng ‘community organizers’ ang Provincial Environment and Natural Resources-Marinduque at ang Diyosesis ng Boac sa pangunguna ni Bishop Marcelino Antonio Maralit, para sa pagtatanim ng mga kawayan sa mga tabing ilog na makatutulong upang sipsipin ang mga mabibigat na metals na nakapaloob sa lupa.
Dahilan sa mataas na antas ng mapaminsalang mga kemikal katulad ng cadmium, lead at copper na dumadaloy sa ilog ng barangay Hinapulan, Boac, magkakaroon din ng pagsusuri ang ahensya upang matunton kung saan mismo nagmumula ang mga elementong ito na nagiging sanhi nang pagkasugat sa mga paa ng mga batang tumatawid sa ilog patungong eskwelahan.
Ayon sa pag-aaral, ito rin ang naging dahilan ng pagkamatay ng mga isda sa ilog na naging ugat ng kawalan ng kabuhayan ng mga mangingisda sa lugar.
Inaasahan naman ng Marinduque Council for Environmental Concerns (Macec) na mabigyan agad ng konkretong rehabilitasyon ang ilog ng Boac, Mogpog at Calancan Bay sa bayan ng Santa Cruz. Mungkahi rin nila sa DENR na sana ay huwag nang hayaang magbukas muli ang Consolidated Mines Inc. (CMI) at Marcopper Mining Corporation.