Pinangunahan ni Speaker of the House of Representatives Pantaleon Alvarez ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP-Laban) Basic Membership Seminar at Oath Taking Ceremony na isinagawa sa Marinduque State College (MSC) kamakailan.
Inilatag ni Alvarez sa kanyang pananalita ang kahalagahan ng federalismo sa bansa na maaaring maghatid ng makatarungan at pangmatagalang balangkas para sa kapayapaan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng iba’t ibang pangkat etniko, relihiyon at kultura. Aniya, kung maisasakatuparan ang isinusulong na gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte, bawat estado ay magkakaroon ng kakayanang gumawa ng batas na paiiralin sa kanilang mga nasasakupan.
Kasama sa mga nakiisa sa panunumpa ng suporta sa PDP-Laban at sa pagsulong ng pamahalaang federalismo ay sina Bise-Gob. Romulo Bacorro, Jr., Bokal John Pelaez, Bokal Gilbert Daquioag, Bokal Primo Pamintuan, Bokal Amelia Aguirre, Mayor Marissa Red ng bayan ng Sta. Cruz, Mayor Jing Madrigal ng Buenavista at mga konsehal, kapitan ng barangay at mga kagawad.
Maging ang Lone District Representative ng Marinduque na si Cong. Lord Allan Q. Velasco ay nagpakita ng suporta kasama ang kaniyang ina na si Mayor Lorna Q. Velasco ng bayan ng Torrijos.