BOAC, Marinduque – Ang Bulating ay sagradong ritwal na sinimulan ng isang pamilya sa Barangay Malbog sa bayan ng Boac, Marinduque noong unang panahon.
Subalit sa katagalan ng panahon ay unti-unting nawala ang ritwal na ito at noong taong 2001 ay muli itong inilunsad at binigyang buhay ng pamahalaang bayan ng Boac bilang isa mga programa ng kanilang turismo.
Ayon sa paniniwala ng mga taga-Malbog, ang ritwal na ito ay isang uri ng paglilinis ng sarili mula sa kasalanan, pagpuri sa Dakilang Lumikha at pasasalamat para sa kagalingan mula sa malubhang karamdaman.
Sa pagdaan ng panahon, ang ritwal na ito ay naging bahagi ng taunang pagdiriwang ng Moriones Lenten Rites sa probinsya ng Marinduque kung saan ang mga nakikiisa sa ritwal na ito ay lumulublob sa putikan, nagbabalabal at nagsusuot ng dahon bilang tanda ng kanilang pagbabalik-loob sa Panginoon at pagpapakumbaba sa kanilang mga nagawang pagkakasala. – Marinduquenews.com