Pumanaw na si Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal ngayong Miyerkules ng umaga, Oktubre 18, sa edad na 86, isang linggo matapos na isugod ito sa ospital sanhi ng hindi pagbaba ng lagnat nito, hirap huminga at pagkatapos ay nacomatose ito.
Ayon kay Dr. Rene Joseph Bullecer, isa sa mga doktor at pinakamalapit na kaibigan ni Vidal, nakatanggap ito ng tawag bandang alas-7:00 ng umaga na ang kardinal ay kailangang i-revive dahil ang presyon ng dugo nito ay bumaba. Ang kardinal ay nalagutan ng hininga makalipas ang ilang minuto.
Sinabi rin ni Monsenyor Joseph Tan, tagapagsalita ng Archdiocese Cebu, na namatay si Vidal ngayong Miyerkules ng umaga.
“It is confirmed. Our beloved Cardinal has returned to our Creator at 7:28 this morning,” ani ni Tan. Sinabi pa niya na ang Arsobispo ng Cebu na si Jose Palma ang nagbalita sa kanya ng tungkol sa pagkamatay ni Vidal.
Dagdag pa ni Tan, inaayos pa ang mga detalye kung saan ilalagak ang mga labi ni Vidal.
Si Archbishop Ricardo Cardinal Vidal ay ipinanganak sa Mogpog, Marinduque noong Pebrero 6, 1931.