Pormal nang inilunsad kamakailan ng Philippine Information Agency (PIA)-Mimaropa ang ASEAN kiosk sa Casa Real, Boac, Marinduque.
Ang paglulunsad ay binuksan sa pamamagitan ng ribbon-cutting nila Boac Mayor Roberto Madla at PIA Mimaropa Officer-In-Charge Victoria Asuncion S. Mendoza. Ito ay sinaksihan ng mga kasapi ng Sangguniang Pambayan ng Boac maging ng mga estudyante at guro mula sa Alternative Learning System (ALS).
Layunin ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa tulong ng PIA na ipaalam sa mga ordinaryong mamamayan kung ano ang kahalagahan ng ASEAN Integration at paghahanda ng Pilipinas sa kaganapang ito.
Kaya naman isa sa mga naging hakbang ng ahensya ay ang maglagay ng mga leaflet, brochure at iba pang Information, Education and Communication (IEC) materials tungkol sa kasaysayan ng ASEAN at iba pang mahahalagang kaalaman sa naturang kiosk.
Maliban dito ay may mga inilagay rin na mga babasahin ang PIA tungkol sa mga programa at proyekto ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kagaya ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Agriculture (DA), Department of Science and Technology (DOST), Provincial Veterinary Office, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Tourism (DOT).
Makikita ang kiosk na ito sa ibaba ng Casa Real bago pumasok sa municipal library.
Ang paglalagay ng info kiosks ay bahagi ng ‘ASEAN Advocacy Series in Mimaropa’ na susunod namang isasagawa sa Mamburao, Occidental Mindoro sa Setyembre 18-19, 2017.