Isinagawa kamakailan sa Marinduque State College ang ASEAN Youth Forum sa pangunguna ng Philippine Information Agency-Mimaropa.
Tatlong daang estudyante mula sa nasabing paaralan ang dumalo sa forum at karamihan sa mga ito ay mga mag-aaral na kumukuha ng mga kursong education, engineering, information technology, information system, business administration at social work.
Sa unang bahagi ng programa ay ipinaliwanag ni PIA-Mimaropa Officer-In-Charge Victoria A.S. Mendoza ang kahulugan at kahalagahan ng ASEAN integration at ang tatlong haligi nito na socio-cultural community, political-security community at economic community.
Nagkaroon din ng trivia game tungkol dito na aktibong sinalihan ng mga estudyante.
Tinalakay naman ni Ethel M. Malinao ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga scholarship and student assistance program tulad ng Private Education Student Financial Assistance (PESFA), Training for Work Scholarship (TWSP), Special Training for Employment Program (STEP) at Bottom-up Budgeting (BuB).
Matapos nito ay nagkaroon ng pagkakataon na makapagtanong ang mga mag-aaral kay Malinao sa isinagawang open forum.