BOAC, Marinduque — Pormal nang ipinagkaloob ng Ayala group of companies ang molecular laboratory na donasyon sa pamahalaang panlalawigan ng Marinduque.
Karaniwan ay tumatagal nang 7 hanggang 14 na araw ang ‘waiting period’ bago malaman ang resulta dahil sa mga laboratoryo na naka-base sa Maynila partikular sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) pa ito dinadala para kumpirmahin.
Ayon kay Gov. Presbitero Velasco, Jr. sa pagkakaroon ng molecular laboratory ay inaasahan na malaki ang mababawas na oras sa paghihintay ng resulta ng COVID-19 testing.
“Ang molecular laboratory po na ito ay isang napakahalagang tool para sa Marinduque upang tuluyan naming malabanan ang nakamamatay na virus”, ani Velasco.
Dagdag pa ng gobernador, oras na maging fully operational ay magiging mabilis ang testing capacity at agad na malalaman kung ang isang tao ay infected ng COVID-19.
Dinesenyo at itinayo ang naturang laboratoryo na nagkakahalaga ng P6.9 milyon sa looban ng Marinduque Provincial Hospital sa bayan ng Boac sa ilalim ng pangangasiwa ng AC Health at Ayala Foundation sa pakikipagtulungan ng Makati Development Corporation, ang construction arm ng Ayala Land Inc.
Samantala, bukod sa molecular laboratory ay nagbigay rin ang Ayala Foundation ng 675 hygiene kits, 100 Globe Home Prepaid WIFI kits, at 4,000 children’s books sa mga mag-aaral at guro sa Boac Central School gayundin sa 10 pampublikong elementarya sa bayan ng Torrijos.
Kasabay ding ipinamahagi ng foundation ang 1,250 face masks at 250 personal protective equipment (PPEs) para sa mga health front-liners sa Marinduque Provincial Hospital. — Marinduquenews.com