Bacorro, nanumpa sa Aksyon Demokratiko ni Isko

BOAC, Marinduque — Pormal nang nanumpa kay presidential aspirant at Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso bilang bagong kasapi ng partido ng Aksyon Demokratiko si Marinduque Vice Gov. Romulo Bacorro, Jr. kamakailan.

Mismong si Domagoso, bilang pangulo ng Aksyon Demokratiko, ang nanguna sa oath taking ceremony na ginanap sa Bulwagang Villegas ng Manila City Hall na dinaluhan ng humigit 20 lokal na opisyales mula sa Malabon, Bulacan, Tarlac, Zambales, Laguna, Batangas, Marinduque, Albay at Romblon.

Sa isang panayam, sinabi ni Bacorro na ang paniniwala sa prinsiyo ng partido ang naging basehan nito para sumali sa nasabing grupo.

“Naniniwala ako sa prinsipyo nila. Sapat na iyon para ipagpatuloy ang laban para sa mamamayang Pilipino,” pahayag ni Bacorro.

Samantala, kasama sa mga nanumpa sina Sangguniang Panlalawigan Board Members Bokal John Pelaez at Gilbert Daquioag.

Si Bacorro ay isa sa matunog na kakandidato bilang gobernador ng lalawigan sa darating na 2022 national election habang si Pelaez umano ay tatakbo naman bilang bise-gobernador.

Inaasahang makakalaban ni Bacorro ang kasalukuyang gobernador ng Marinduque na si dating Associate Justice Presbitero Velasco, Jr. na ama rin ni House Speaker Lord Allan Jay Velasco. — Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!