BOAC, Marinduque (PIA) — Tapos na ang konstruksyon ng bagong gawang museum na matatagpuan sa katabing bahagi ng Moriones Arena sa Barangay San Miguel sa bayan ng Boac, Marinduque.
Ayon kay Engr. Gerald A. Pacanan, regional director ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Mimaropa, ang Moriones Museum na mayroong dalawang palapag ang magsisilbing tahanan ng mayamang kultura, tradisyon at kasaysayan ng probinsya.
“The completion of the two-storey multi-purpose building is dedicated to preserve, showcase, and relive the rich cultural heritage of the province, by offering visitors an immersive experience and opportunity to dive into the history, artistry, and significance of the tangible cultural elements of the province of Marinduque,” wika ng pangrehiyong direktor.
Dagdag pa ni Pacanan, kayang mag-accomodate ng nasa 40 hanggang 50 na mga bisita kada araw ang nasabing museum na inaasahang paglalagakan ng iba’t ibang sagisag ng kultura at likhang yaman ng lalawigan lalo na ang may kaugnayan sa mga moryon kung saan kilala ang Marinduque.
Ang Moriones Museum na pinondohan nang halagang P25 milyon ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa pamamagitan ni Cong. Lord Allan Jay Velasco ay bahagi ng mithiin ng ahensya na makapagpatayo ng mga imprastraktura na makatutulong sa pagpapanatili ng pamana at mayamang kultura ng bansa. (RAMJR/PIA Mimaropa – Marinduque)