MOGPOG, Marinduque — Isang paligsahan ng mga batang malulusog ang inilunsad ng pamahalaang bayan ng Mogpog bilang bahagi ng ika-47 taon ng National Nutrition Month.
Ito ay may temang ‘Malnutrisyon patuloy na labanan, First 1000 days tutukan’.
Anim na cute at malulusog na kalahok ang nakapasok sa patimpalak na nagmula sa ibat-ibang barangay ng bayan ng Mogpog.
Ilan sa mga kasali ay sina Znayya Marie ng Barangay Hinadharan, Baby Jace Caiden ng Magapua at Baby Isabelle Grace ng Barangay Villa Mendez.
Kasama rin sina Rhanz Jordan ng Barangay Bintakay, Trixy Amirah ng Barangay Butansapa at Glynis Glaine ng Barangay Hinanggayon.
Ang may pinakamaraming like at heart react sa videong ipinasa ang tatanghaling panalo sa naturang paligsahan.
Sa kabilang banda, nilinaw ng Mogpog LGU na ang mga litratong ginamit ay ilalaan lamang sa patimpalak. Sila rin ay may waiver na pinapirmahan sa mga magulang bilang pahintulot sa paggamit ng mga larawan sa paligsahan at mananatili sa Municipal Nutrition Office.
Bukod dito, matatandaan na noong Hulyo 12, anim na naggagandahang buntis naman ang bumida sa Gandang Buntis 2021 na bahagi rin ng pagdiriwang ng ika-47 taon ng pambansang buwan ng nutrisyon. — Marinduquenews.com