BFAR, nagbabala laban sa pagkain ng isda mula sa Ino-Capayang at PQMI pits

MOGPOG, Marinduque – Naglabas ng heavy metals advisory ang BFAR-Regional Fisheries Office-Mimaropa na nagbabawal sa pagkain ng lahat ng uri ng isda mula sa Ino-Capayang Pit sa bayan ng Mogpog, Marinduque at Palawan Quicksilver Mines, Inc. (PQMI) Pit Lake sa probinsya ng Palawan.

Base sa pinakahuling resulta ng pagsusuri ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Mines and Geosciences Bureau (MGB), nagpositibo sa mataas na ‘level content’ ng mercury, lead at cadmium ang mga isda na nakuha sa nabanggit na mga lugar.

“All fishes collected from PQMI Pit Lake contain high concentration of mercury and lead while from Ino-Capayang Pit contain high concentration of cadmium, all beyond regulatory limit. All types of fish from areas mentioned are not safe for human consumption,” bahagi ng advisory.

“Ang cadmium level ng mga Tilapia galing sa Ino-Capayang Pit ay 3.144ppm. Mataas ito sapagkat ang regulatory limit po lamang ay 0.5ppm”, pahayag ni Dr. Felino Magsino, veterinarian at regional fisheries officer ng BFAR Mimaropa.

Dagdag ni Magsino, kapag naipon sa katawan ng tao ang heavy metals kagaya ng cadmium, naaapektuhan nito ang bato o kidney na maaaring magresulta ng renal dysfunction.

Samantala bagama’t nakitaan rin ng mababang mercury level (below regulatory limit) ang mga isda, shellfish at crustaceans sa Sta. Lourdes Wharf, Mid Tagburos River, Delta Tagburos, North Wharf & Cowrie Island, Honda Bay sa Puerto Prinsesa at Calancan Bay sa Santa Cruz gayundin sa Ola Farm, Mogpog, ligtas namang kainin ang mga ito sa kondisyong hugasan ng mabuti bago lutuin upang kainin.

“Bago kainin ang mga isda na nanggaling sa mga lugar na ‘below regulatory limit’, kailangang linisin ito ng maayos. Alisin ang hasang at bituka kasi nandoon po iyong mataas na concentration ng heavy metals”, paalala ni Dr. Magsino.

Sa panayam naman ng Marinduque News kay BFAR Mimaropa OIC-Regional Director Elizer Salilig, sinabi nito na walang dapat ipangamba ang mga mamamayan sapagkat patuloy ang ginagawang monitoring ng kanilang ahensya kasama ang DENR-MGB para masiguro ang kaligtasan ng publiko.

“Sa ating mga kababayan sa Mimaropa especially sa mga taga Marinduque, huwag po kayong mag-alala sapagkat ang atin pong marine species ay ligtas for human consumption. Ang atin pong pinag-uusapan ay ‘yong mga isda na matatagpuan sa stagnant water kagaya ng PQMI Pit Lake at Ino-Capayang Pit na talagang marumi at hindi ligtas kainin kaya iwasan pong kumuha ng mga isda roon”, patapos na pahayag ni Salilig. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!