BOAC, Marinduque — Umabot na sa 10,549 indibidwal ang kabuuang bilang na nabakunahan kontra COVID-19 sa lalawigan ng Marinduque.
Batay sa pinakahuling datus ng Provincial Health Office (PHO), mula sa A1 priority group ay mayroon ng nabakunahan na 3,292 health workers, 3,926 naman ang bilang nang tumanggap ng bakuna na mga senior citizen o A2 priority group habang 3,331 ang mga naturukan ng COVID-19 vaccine na nagmula sa A3 priority group o mga taong may comorbidities.
May 242,420 na total population sa buong probinsya at 169,694 ang bilang ng indibidwal na target mabakunahan ng PHO para maabot ang tinatawag na herd immunity.
Sa kasaluluyan ay dalawang porsiyento pa lamang mula sa 70 porsiyento na target population ang nakatatanggap ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019.
Tanging ang bakuna mula sa Sinovac at Aztrazeneca pa lamang ang nakararating sa lalawigan.
Samantala, base sa huling tala ng PHO, pumalo na sa 461 ang naitalang kaso ng COVID-19 sa buong Marinduque na mayroong 57 na aktibo. — Marinduquenews.com