BOAC, Marinduque – Sa naisumiteng pahayag ni Delbert Madrigal, kinatawan ng Department of Health (DOH) sa Marinduque, sinasabing mas mababa ng limampung porsiyento ang naitalang kaso ng ahensya at ng Dr. Damian J. Reyes Provincial Hospital sa pagsalubong ngayong taong 2017.
Ayon kay Madrigal, sa ngayon ay tatlo lamang ang naging biktima ng mga ipinagbabawal na paputok kung saan ay mas mababa kumpara sa anim na naputukan noong nakalipas na taon. Dagdag pa niya, wala naman sa ngayon ang naputulan ng kamay at paa dahil sa pagpapaputok ng fireworks o firecrackers.
Gayunpaman, nalapatan naman agad ng provincial hospital nang paunang lunas ang mga naging biktima.
Nagpatuloy hanggang noong ika-5 ng Enero ang kanilang pagmomonitor ng fireworks related-injuries .
Sa ngayon ay nakaantabay pa rin ang DOH- Marinduque hanggang Enero 21 para sa posibleng pagkakaroon ng tetanus cases na maaaring dulot ng paputok.
Matatandaan na nagkaroon ng kampanya ang ahensya na tinawag na “Oplan: Iwas Paputok, Fireworks Display ay Patok! Makiisa sa Fireworks Display sa Inyong Lugar” kung saan ang DoH, sa pakikipagkaisa ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Eco Waste Coalition ay hinimok ang publiko na gumamit ng alternatibong pampaingay sa halip na mga ipinagbabawal na paputok ang gamitin sa pagsalubong sa bagong taon.