TORRIJOS, Marinduque – Nasilayan nang personal ni Bise Presidente Leni Robredo ang pagkawasak ng lalawigan ng Marinduque matapos ang matinding paghagupit ng Bagyong Nina sa probinsya noong nakaraang taon.
Ayon sa pangalawang pangulo, ang pagbisita niya sa probinsya ay nakatuon sa rehabilitasyon bukod pa sa mga relief goods na nauna nang naipadala ng kanyang opisina noong Disyembre 29, 2016.
Nitong Enero 9, ganap na ika-8:00 ng umaga ay dumating ang bise presidente sa Torrijos Central School sa bayan ng Torrijos upang personal niyang makita ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral na nawalan ng silid-aralan.
“Dapat as soon as possible lalo na ang mga paaralan kasi iyong mga paaralan ay napakahalaga talaga kasi ‘yong reklamo ngayon ng mga school, sinisiksik nila iyong kanilang mga estudyante sa kung saan-saan na mga classrooms”, sabi ni Robredo.
Bukod sa mga eskwelahan, pinuntahan din ni Robredo ang mga ospital maging ang mga kabahayan na malapit sa baybaying dagat upang malaman ang mga tulong na dapat mapunan para sa mga nabiktimang mamamayan.
“Titingnan natin ‘yong extent at kung anong klaseng tulong ang kinakailangan. Iyong LGUs ng iba’t-ibang towns na dinaanan natin meron ng mga wish list. Iyong promise naman natin, tututukan natin na sa lalong madaling panahon eh maibaba ‘yong tulong para sa kanila”, ayon kay Robredo.
Para naman sa sector ng agrikultura, natalakay ni Robredo na kailangang gumawa ang gobyerno ng isang programa na makatutulong sa kanila na kung saan ay umabot na sa Php 1.5 bilyon ang naiwang bakas na pinsala ng Bagyong Nina.
“Iyon na nga po ang napag-usapan namin ni vice-governor at ng mga miyembro ng sangguniang panlalawigan kung papaano natin matutulungan ang mga nasalanta lalo na ang mga nasa sector ng agrikultura dahil sila talaga iyong pagkatapos ng relief operation na ito, sila iyong walang hanapbuhay at kung walang hanapbuhay, sila iyong walang makakain. Kaya kaming nasa gobyerno kailangan silang gawan ng programa na pantawid gutom aside sa pananim na itutulong sa kanila.”
Ikinatuwa naman ng pangalawang pangulo ang pagbisita ni Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel Piñol na namigay ng tulong sa mga mangingisda at magsasaka upang maipamahagi ang assistance fund at mga pangpalit na kagamitan para sa kanilang mga nasirang ari-arian.
Lubos naman ang kagalakan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office na si Rolando Josue sa personal na pagsaksi ni Robredo sa mga napinsalaan ng nagdaang bagyo. Aniya, ito ay malaking bagay para sa kanila at naging dahilan ng pagbibigay ng lakas loob at pag-asa upang mapanumbalik ang dating pamumuhay ng kaniyang mga kalalawigan.