Biyahe ng eroplano sa Marinduque maaaring magsimula sa Marso 2019

GASAN, Marinduque – Nangako na ang Cebu Pacific na maaari nang magsimula ang biyahe ng kanilang mga eroplano sa Marinduque ngayong Marso 2019.

Ito ay matapos ihayag ni Cebu Pacific President Lance Gokongwei sa isang pagpupulong kasama si Marinduque Lone District Representative Lord Allan Jay Velasco na pwede nang umpisahan ang operasyon sa susunod na taon.

Ayon kay Velasco, mas pinili nila na simulan ang biyahe bago o sa mismong araw ng Marso 31, 2019 dahil dito kadalasan nagsisimula ang araw ng bakasyon.

“Although, I was not able to get my target date of flights coming in by January, which is due to a lot of factors like studies to be made by the airline company, they promised me that they would be starting on March 31 or a little earlier”, bahagi ng pahayag ni Velasco sa kanyang Facebook account.

Ilan pa sa mga dahilan kung bakit sa susunod na taon ito sisimulan ay susuriin muna umano ng Cebu Pacific ang magiging gastos sa gasolina, kondisyon ng hangin, at ang haba ng runway upang matiyak ang dami ng pasahero na pwedeng isakay sa eroplano at malaman ang presyo ng magiging pamasahe nito.

Matatandaan na noong Nobyembre ay natapos na ang pagsasaayos at pagpapahaba sa runway ng Marinduque Domestic Airport. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!