BOAC, Marinduque – Isa sa mga tampok na gawain sa pagdiriwang ng sentenaryo ng Marinduque ay ang pagdeklara sa Boac Cathedral bilang isang Important Cultural Property (ICP) ng bansa.
Ang deklarasyon sa Boac Cathedral bilang isang ICP ay nagpapatunay at nagpapakilala sa katatagan ng pananampalatayang Katoliko ng mga Marinduqueno.
Ito ang nakasaad sa pagninilay ng Obispo ng Diyosesis ng Boac na si Lubhang Kagalanggalang Marcelino Antonio Maralit, Jr. kaugnay sa opisyal na paglagda ng deklarasyon at paghahayag ng marker ng National Museum of the Philippines sa Boac Cathedral.
Ayon sa obispo, isang malaking biyaya sa diyosesis ang naging deklarasyon sa simbahan na bukod sa pisikal na katatagan ng istruktura na dumaan na sa iba’t ibang kalamidad at sitwasyon ay saksi rin sa matibay na pananampalatayang Katoliko sa lalawigan.
Pinangunahan ni Bishop Maralit, National Museum’s Cultural Properties Regulation Division officer-in-charge Raquel Flores, Gob. Presbitero Velasco, Jr., at Rep. Lord Allan Velasco ang paglagda ng deklarasyon at unveiling ng marker ng National Museum of the Philippines sa Boac Cathedral.
Ang titulo ng ICP ay iginagawad sa mga ari-arian o istruktura na may malaking ambag at kinalaman sa makasaysayang kultura at artistiko sa Pilipinas. (RAMJR/PIA-Mimaropa)