Pinatawan ng Office of the Ombudsman ng isang taong suspension na walang sweldo si Marinduque 1st District Board Member John Pelaez hinggil sa isinampang kasong administratibo sa kanya noong 2016.
Si Pelaez ay napatunayang guilty sa kasong Abuse of Authority at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, na isinampa nina Ronel Ganibo, Jeffrey Masculin at Berwin Rivera, pawang residente ng Barangay Balimbing, Boac dahil sa panunutok ng baril na ginawa sa kanila noong Disyembre 4, 2016 sa Marinduque Food Center, sa bayan ng Boac.
Batay sa 11-pahinang desisyon ng Office of the Ombudsman, mas kinatigan ang salaysay ng mga biktima dahil sa mga ebidensyang kanilang isinumite tulad ng medico-legal certificate at mga litrato kung saan makikita ang marka ng baril sa leeg ng mga biktima.
#MakeADifference: Kabayan, help us to stay up, help us to buy a video camera
Sa counter-affidavit ni Pelaez, nakasaad na binastos at pinagtawanan siya ng mga biktima habang kumakain sila sa Marinduque Food Center, at noong nagpakilala na siya bilang bokal ay nagtakbuhan na ang mga ito. Kaya agad niya itong hinabol upang kausapin na umuwi para hindi sila madisgrasya o manggulo ulit sa plaza.
Subalit ayon sa Ombudsman, kung totoong ginusto ni Bokal Pelaez na mapanatili ang kapayapaan at hindi na ulit makapanggulo ang mga biktima ay madali lang para sa kanya na tumawag ng mga pulis at ireport ang mga ito sa kanila.
Hindi rin naniwala ang Ombudsman na binastos si Bokal Pelaez dahil hindi ito nagreklamo sa Boac Police Station.
Sa halip, siya at ang kanyang mga kasamahan ang inireklamo ng mga biktima ng Attempted Murder, Robbery, Physical Injury, Grave Threat at Illegal Detention na nakasampa ngayon sa opisina ng Provincial Prosecutor ng Marinduque.
Ipinag-utos na rin ng Ombudsman sa DILG ang agarang pagpapatupad ng suspensyon.
Bukas ang Marinduque News sa anumang pahayag ni Bokal John Pelaez sa isyung ito. -Source and courtesy of Ronilo Dagos, Abante.com