BUENAVISTA, Marinduque – Ipagdiriwang ng bayan ng Buenavista ang ika-102 taong pagkakatatag nito sa Nobyembre 6.
Bagama’t kanselado ang lahat ng mga gawain sa mismong araw ng selebrasyon bunsod ng pandemyang COVID-19 at nagdaang mga kalamidad, naglabas ng proklamasyon si Pangulong Rodrigo R. Duterte sa pamamagitan ni Executive Secretary Salvador C. Medialdea na nagdedeklara na walang pasok o special non-working holiday sa buong munisipalidad sa Biyernes.
“Nararapat lamang na bigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan ng Buenavista na gunitain at makiisa sa mahalagang okasyon na ito batay sa umiiral na community quarantine, physical distancing at iba pang public health protocols,” bahagi ng pahayag ng Malakanyang.
Sinabi naman ni Buenavista Mayor Nancy Madrigal na malayo na ang narating at malaki na ang pagbabago na naganap sa kanilang bayan.
“Sementado na po ang daan sa mga barangay. Wala nang pamayanan ang naiiwan sapagkat naaabot na natin silang lahat dahil sa mga imprastraktura at mga daan na pinagawa ng lokal na pamahalaan kasama na ang mga farm-to-market road,” ani Madrigal.
Sa mensaheng ipinaabot ng alkalde sa kanyang mga nasasakupan, sinabi nito na ang mga kaganapan, kaayusan at narating ng bayan ng Buenavista ay bunga ng pakikiisa at pagmamamahal ng mga mamamayan sa kalayaan bilang isang nagsasariling bayan. – Marinduquenews.com