BUENAVISTA, Marinduque – Sinimulan nang itanim ng mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor ang mga bamboo o kawayan sa isang Carbon-Neutral Garden and Oxygen Park sa barangay Yook, bayan ng Buenavista.
Ang pagtatanim ng mga kawayang ito ay pinangunahan ni Eva Celestino mula sa 7Bamboo Farm kasama ang lokal na pamahalaan ng Buenavista at Marinduque State College (MSC).
Ayon kay Celestino, umabot ng limang taon bago nila tuluyang mabuo ang konseptong ito. Layunin nila na gawin ang kanilang lupain bilang eco-agri–tourism race upang magbigay ng serbisyo sa mga mamamayan ng Buenavista.
Dagdag naman ni Dr. Merian Catajay-Mani, presidente ng MSC, lalagyan nila ng ‘research’ at ‘extension components’ ang proyektong ito na nasasaad sa pinirmahan nilang Memorandum of Understanding kasama ang mga kinatawan ng ibat’ ibang ahensya ng pamahalaan.
Ang proyektong ito ay binuo rin dahil sa adbokasiya nila sa pangangalaga sa kalikasan.
Nangako naman si Department of Labor and Employment Provicial Director Luigi Evangelista na makatutulong ang kanilang ahensya sa pagbibigay ng kasanayan sa mga mamamayan kung papaano gumawa ng mga ‘bamboo craft’ na kung saan ay makukuha nila ang mga materyal kapag lumaki na ang mga naitanim na mga halaman. –Marinduquenews.com