Handa si House Speaker Alan Peter Cayetano na magsilbi bilang lider ng Kamara hanggang Hunyo 2022 kung aayaw si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa hatian ng kanilang termino.
Base sa term sharing agreement na ikinasa mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte, si Cayetano ay magsisilbi ng 15 buwan bilang House Speaker habang 21 buwan naman si Velasco.
“Eh kung si Congressman Velasco mismo ang magsabi sa akin, ikaw na lang, ala-ngan namang pilitin ko pa siya ‘di ba?” saad ni Cayetano.
“Tao din tayo, we are also public servants and we also believe in our own leadership. How can other people believe in my leadership if I don’t believe in my leadership?” dagdag pa niya.
Ilang kaalyado ni Cayetano ang nagtutulak na ibasura na ang 15-21 term sharing deal dahil sa mataas na trust at approval rating ng Taguig congressman sa huling survey ng Social Weather Station (SWS).
Sinabi ni National Unity Party (NUP) president at Cavite Rep. Elpidio Barzaga na kung magpapatuloy ang magandang performance ni Cayetano, maaaring itulak ng mga miyembro ng Kamara at ng publiko na manatili pa ito bilang House Speaker.
Tiniyak naman ni Cayetano na buo pa rin ang respeto niya kay Velasco.
“May leadership din ‘yung tao (Velasco), may following din ‘yung tao, head din siya ng partido ng ating Pangulo, so I have also to respect him,” saad Cayetano.
Isiniwalat din nito na kung hindi siya pagbibigyan ni Velasco, baka gumawa na lang siya ng baby ng asawa niyang si Taguig Rep. Lani Cayetano pagkatapos ng paninilbihan niyang lider ng Kamara.
“Hoping for twins, soon. Lahat naman siguro ng mag-asawa ayun ‘yung hope na magkapamilya. At saka maalagaan ‘yung pamilya,” wika ni Cayetano na nagdiwang ng ika-49 kaarawan kahapon.
This story was written by JC Cahinhinan, and first published on Abante.com.ph