MOGPOG, Marinduque – Isang centenarian na lola mula sa Mogpog ang tumanggap ng insentibong nagkakahalaga ng P100,000 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kamakailan.
Ang ibinigay na ‘cash gift’ ay alinsunod sa Republic Act No. 10868 o ang Centenarians Act of 2016 na kumikilala sa lahat ng mga Pilipinong umaabot ang edad sa 100 taon.
Personal na inabot ni Helen Alcoba, head ng DSWD-Marinduque ang halagang P100,000 sa presenya ni Fe Magdurulang, pangulo ng Office of Senior Citizen Affairs (OSCA).
Una rito ay tumanggap na ng P50,000 si Lola Waning mula sa lokal na pamahalaan ng Mogpog habang P80,000 naman ang ipinagkaloob sa kanya ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque.
Si Lola Waning ang ika-tatlong sentenaryong nakatanggap ng pagkilala sa bayan ng Mogpog sa taong ito. – Marinduquenews.com