Natagpuang patay ang isang manggagawang simbahan na pinaniniwalaang nahulog mula sa veranda ng isang gusali sa bayan ng Boac sa lalawigan ng Marinduque.
Sa ulat ni GMA News stringer Pedro Magturo sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala niya ang biktima na si John Winston Olivar, 23-anyos, na pinaniniwalaang nahulog mula sa veranda ng ikatlong palapag ng Boac Pastoral Center (BPC) sa Hightown Boac noong June 1.
Ayon kay Magturo, natagpuan ng isang barangay kagawad, na kinilalang si Dennis Manrique, ang bangkay ni Olivar.
Habang naglilinis umano si Manrique malapit sa lugar dakong ala-una ng madaling-araw, nakita niya ang bangkay ni Olivar sa loob ng compound ng BPC.
Duguan ang mukha ng biktima nang matagpan ng kagawad, ayon sa ulat.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na nahulog si Olivar mula sa ikatlong palapag na veranda. Bumagsak muna ito sa bubong ng 2nd Floor ng BPC bago bumagsak sa semento.
Nagtamo ng mga sugat sa ulo at sa panga si Olivar, at ayon kay Dr. Joselito Awat ng Boac health unit, internal hemmorrage ang ikinamatay ni Olivar.
Iniimbestigahan pa kung ano ang tunay na nangyari at kung paano siya nahulog mula sa veranda dahil madaling araw nang mangyari ang insidente.
Hindi naman umano nakitaan ng “foul play” ang mga awtoridad sa nangyari.