BOAC, Marinduque – Hinikayat ng Commission on Election (Comelec) ang mga taga-Marinduque na magparehistro para sa gaganaping national at local elections sa darating na Mayo 2022.
Sa programang Kapihan ng Philippine Information Agency sa Marinduque, sinabi ni Atty. Angela Kristine P. De Guiño-Royandoyan, Provincial Election Supervisor na ang pagboto ay mahalagang constitutional right na dapat i-praktis ng isang kwalipikadong mamamayan.
“Ang pagboto ay isang karapatang pantao na hindi maaalis kaninuman subalit ang karapatan na ito ay maaari lamang gawin ng isang rehistradong botante kaya kayo po ay aming hinihikayat na magparehistro hanggang Setyembre 30, 2021”, pahayag ni Atty. Royandoyan.
Aniya ang mga kwalipikadong magparehistro ay mga may edad 18-anyos pataas bago ang araw ng eleksyon o Mayo 9, 2022 at dapat residente sa Pilipinas sa loob ng isang taon o higit pa.
Ang mga opisina ng Comelec sa bawat munisipalidad ay bukas mula Lunes hanggang Huwebes, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon. Habang ang buong araw ng Biyernes ay itinalaga para sa disinfection ng lahat nang tanggapan ng Comelec sa bansa.
Samantala, base sa pinakahuling datus na ibinahagi ni Royandoyan, mayroong 138,457 na kabuuang rehistradong botante sa Marinduque.
Pinakamaraming registered voters sa bayan ng Santa Cruz na mayroong 34,531, 30,951 sa Boac, 20,563 sa Gasan, 18,415 sa Torrijos at pinakamaliit naman ang naitala sa bayan ng Buenavista na mayroon lamang 13,914 rehistradong botante. – Marinduquenews.com