Coral reef restoration sa Marinduque, sinimulan na

TORRIJOS, Marinduque — Bilang bahagi ng responsableng pangangalaga sa karagatan, inumpisahan na ang ‘province-wide coral reef restoration project’ sa Marinduque.

Ayon kay Bernardo Caringal, Provincial Science and Technology Director ng DOST-Marinduque, ang proyekto ay resulta ng ginawang pag-aaral ng DOST-Mimaropa noong 2018 kungsaan ay siniyasat ang kasalukuyang sitwasyon ng bahura ng mga koral at damong-dagat sa lalawigan sa pamamagitan ng Automated Rapid Reef Assessment System (ARRAS) na binuo ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Lumabas sa pag-aaral na malaking porsiyento ng coral reefs sa probinsya ay sira at kaunti na lamang dahilan sa ‘siltation’ at ‘sedimentation’ na nangyayari sa mga baybaying dagat. Kaya naman iminungkahi ang agarang pagpapanumbalik ng mga bulaklak na bato sa hibasan at karagatan.

“Napakahalaga po ng coral reefs sa ating mga karagatan sapagkat ito ang nagsisilbing bahayan ng mga isda. Kapag walang corals, walang isda,” ani Caringal.

Sa ilalim ng programa, iipunin ang ‘corals of opportunity’ (COP) o mga naputol na bahagi ng corals sa ilalim ng dagat upang dalhin at i-rehabilitate sa isang underwater nursery o tinatawag na coral nursery units (CNU).

Tatagal ng anim na buwan hanggang isang taon ang rehabilitasyon o hanggang sa muling maka-recover ang nasirang bahagi ng coral bago ito itatanim o muling ikakabit sa mga buhay na coral.

Sa kasalukuyan, mayroon nang tig-sampung CNU ang inaalagaan sa marine protected areas sa Barangay Tungib-Lipata, Buenavista at Barangay Poctoy, Torrijos.

Inaasahang sa pagtatapos ng buwan ng Hulyo, ang naturang programa ay maipakakalat sa lahat ng bayan sa probinsya.

Itinuturing na ito ang kauna-unahang ‘large-scale coral restoration effort’ ng kagawaran sa buong rehiyon ng Mimaropa na magpapanumbalik ng nasira at namatay na coral reefs sa karagatang sakop ng Marinduque para higit na maparami ang produksyon ng mga isda at iba pang buhay-ilang sa lalawigan.

Ang proyekto ay pinangungunahan ng DOST katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Marinduque, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), lokal na gobyerno at iba’t ibang grupo ng mga mangingisda. — Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!