BOAC, Marinduque — Namahagi ng ‘fertilizer voucher’ ang Department of Agriculture (DA)-Mimaropa sa mga bayan ng Santa Cruz at Gasan, kamakailan.
Ayon kay Dr. Lucila Vasquez, agricultural program coordinator ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Marinduque, ang Fertilizer Voucher Scheme ay isang programa sa ilalim ng Rice Resiliency Project (RRP) II na may pangunahing layuning mapataas at mapalakas ang lokal na produksyon ng palay at bigas upang malabanan ang banta sa seguridad ng suplay ng pagkain sa bansa.
“Hangad ng proyektong ito na pataasin ang produksyon at ani ng palay sa ating lalawigan sapagkat kapag maraming ani, malaki ang magiging kita ng ating mga magsasaka”, pahayag ni Vasquez.
Ibinahagi naman ni Jason Fetalver, provincial rice coordinator ng DA-Regional Field Office (RFO) na ang makatatanggap lamang ng fertilizer voucher ay ang mga magsasaka na nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at nakapagtanim ng palay ngayong wet season.
“Mahalaga na magparehistro ang ating mga magsasaka sa Municipal Agriculture Office at kailangang ideklara nila ang tamang sukat ng kanilang lupang sinasaka dahil iyon po ang basehan ng mga interbensyong ibinibigay ng ating kagawaran,” ani Fetalver.
Una ng naipamahagi ng DA ang 282 fertilizer voucher sa mga benepisyaryong magsasaka sa bayan ng Santa Cruz habang 279 bags naman sa munisipalidad ng Gasan.
Mayroong kabuuang 4,000 fertilizer voucher o katumbas na 4,000 bags ng abono na nagkakahalaga ng P4 milyon ang nakalaan sa buong Marinduque. — Marinduquenews.com