BOAC, Marinduque — Bukod sa pamamahagi ng mga lupa at irigasyon, nagbigay rin ng mga farm machineries at equipment ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga magsasaka sa rehiyon ng Mimaropa.
Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas na isinagawa sa Calapan City, Oriental Mindoro nitong Hunyo 25, iniulat ni Atty. Marvin Bernal, regional director ng DAR-Mimaropa na ninais din ng kanilang ahensya na tulungang mapadali ang pagsasaka kaya namahagi sila ng farm machineries kagaya ng water impounding system, hand tractor, motorcycle farm production utility vehicle, tractor, shredder at amphitiller na nagkakahalaga ng P30,814,112.
Ayon pa kay Bernal, ang naturang mga kagamitang pansaka ay mapakikinabangan ng nasa 3,109 na mga benepisyaryo na inaasahang magpapabuti sa agrarian reform beneficiaries (ARBs) agri-business enterprise, mga ani ng sakahan, at kondisyon ng pamumuhay ng mga magsasaka sa rehiyon.
Samantala, patuloy rin aniyang tinututukan ng Kagawaran ng Repormang Pang-agraryo ang capacity development o ang pagpapaunlad sa mga kakayahan ng mga magsasaka kung saan ay mahigit 22,737 ang sumailalim sa mga training upang maging mas maayos ang kanilang pangangasiwa sa kanilang mga lupain.
Sa pamamagitan ng nasabing pagsasanay, natutunan ng mga benepisyaryo ang mga bagong pamamaraan sa agrikultura, mga teknik sa pag-aalaga ng pananim at iba pang kasanayang makatutulong sa mas matagumpay na pagpapaunlad at pangangalaga ng kanilang mga lupang sakahan. — Marinduquenews.com