BOAC, Marinduque – Kabuuang 50 ektarya ng lupang sakahan ang ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga benepisyaryong magsasaka sa lalawigan ng Marinduque.
Mismong ang kalihim ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan na si Bro. John Castriciones ang nag-abot ng Certificate of Land Ownership Award o CLOA sa may 50 benepisyaryo ng repormang agraryo (ARB) sa probinsya.
Sa ilalim ng programang DAR to Door, personal na kinatok at dinalaw ni Castriciones ang tahanan ng mga farmer beneficiaries sa Barangay Bantay, Boac upang iabot ang pamaskong envelope na naglalaman ng titulo ng lupa.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Castriciones na patuloy na tutulong ang DAR sa mga magsasaka na maituturing na tunay na bayani ng bansa dahil sa pagbibigay nila ng pagkain at kaginhawaan sa mamamayang Pilipino lalo’t higit sa gitna ng nararanasang pandemya.
“Sa panahon po na ganito na mayroong pandemya kung saan ay maraming negosyo ang naapektuhan at nagsara, mayroon tayong isang sektor ng manggagawa na patuloy na tumutulong sa food production ng bansa at tunay na nagbibigay pag-asa sa mga mamamayan, kayo po ‘yon aming mga bayaning magsasaka,” pahayag ni Castriciones.
Maliban sa mga ipinamahaging titulo ng lupa, nagbigay rin ang DAR sa mga agrarian reform beneficiaries ng seed capital assistance na binubuo ng 11 cargo motorbike tricycle o chariot, 1,069 sakong commercial rice, 90 mixed swine breeds at 60 sakong grower feeds na may kabuuang halagang P4.064 milyon.
Tig-isang bagong traktura naman ang ibinigay sa dalawang agrarian reform organization sa Marinduque na may combined value na P1.088 milyon.
Nakasama ng kalihim sa pamamahagi at pag-iikot sina House Speaker Lord Allan Jay Velasco, Gov. Presbitero Velasco, Jr., Boac Mayor Armi Carrion at mga opisyales ng DAR. – Marinduquenews.com