BOAC, Marinduque — Dumating sa Marinduque ngayong araw si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio para bisitahin ang lugar matapos ang pananalasa ng bagyong Quinta at Rolly.
Kasama ring dumating sa probinsya sina Sen. Imee Marcos, Deputy Speaker Mikee Romero ng 1 Pacman Party-list, Navotas Rep. John Ray Tiangco at Valenzuela 1st District Rep. Wes Gatchalian.
Sa airport ay sinalubong ni Marinduque Congressman at House Speaker Lord Allan Jay Velasco ang grupo.
Unang tumulak ang mga panauhin sa Kapitolyo upang personal na iabot kay Gov. Presbitero Velasco, Jr. ang 150 sakong bigas na nakatakdang ipamahagi sa mga biktima ng nagdaang kalamidad.
Ayon kay Gov. Velasco, nagbigay rin ng 1 milyong piso si Mayor Duterte-Carpio sa pamahalaang panlalawigan.
“Malaki po ang utang na loob natin kay presidential daughter at Mayor Sara sapagkat nag-donate siya ng isang milyon para sa mga Marinduqueno. Nagbigay din siya ng 150 sako ng bigas para maging ayuda sa ating mga kababayan,” ani Gov. Velasco.
Pagkatapos ng courtesy call sa punong panlalawigan, nagtungo sina Mayor Sara sa Barangay Malusak, Boac para dalawin ang mga residenteng binaha bunsod naman ng super typhoon Rolly.
“Nandito po kami para magbigay, unang-una ng moral support sa lahat ng mga taga-Marinduque na napinsala ng mga bagyong nagdaan. Mayroon din po kaming dinala na gustong ipaabot ng mga taga-Davao na kaunting cash at bigas. Pupunta rin po rito ang aming disaster officer para magbigay ng tulong sa inyo,” pagtatapos na pahayag ni Mayor Duterte-Carpio. – Marinduquenews.com